Nakikiisa ang Philippine Council for Health Research and Development sa selebrasyon ng Buwan ng Wika na may temang “Filipino: Wika ng Saliksik.” Bilang pangunahing ahensya ng Kagawaran ng Agham at Teknolohiya na nangangasiwa sa pananaliksik sa larangan ng kalusugan, hinihikayat ng Konseho ang pagpapalawig ng paggamit at pangtangkilik ng wikang pambansa sa pananaliksik, hindi lamang tuwing buwan ng wika, kung hindi pati na rin sa pang araw-araw na kagamitan.
At bagamat mas nakararami ang mga nailimbag na saliksik na nakasulat sa wikang Ingles, mayroon pa ring mga mananaliksik na naglilimbag sa Filipino, tulad na lamang ng ilang saliksik na matagpuan sa HERDIN, ang pambansang repositoryo ng saliksik sa kalusugan, ilan sa mga nailimbag na artikulo ay:
- Ang sampung pangunahing sakit ng mga Filipino
- Parmakolohiya sa komunidad: Mga ipinagbibiling gamot sa mga sarisari store sa ilang barangay sa isang bayan sa timog Luzon at
- Parmakolohiya sa komunidad: Mga nakatagong gamot sa mga bahay sa Barangay Bungo, Gapan, Nueva Ecija
Kaakibat ng pagtangkilik sa mga saliksik na sinulat at nailimbag sa wikang Filipino, nais din namin palawigin ang paggamit ng wikang Filipino sa pamamagitan ng pagbibigay ng ilang direktang salin ng mga salitang agham at medikal tulad ng:
1. Haynayan – biology; isang natural na agham na nauukol sa pagaaral ng buhay at mga nabubuhay na organismo
Mikhaynayan – microbiology; isang natural na agham ukol pagaaral sa miktataghay o microorganism
Mulatling Haynayan – molecular biology; pagaaral ng mga istruktura at tungkulin ng mulatil o molecule sa mga nabubuhay na organismo
Halimbawa:
Bata pa lamang ay paborito na ni Jose ang haynayan, at ngayon, isa na siyang palabaga na naimbita na magsalita sa susunod na Philippine National Health Research System Week.
2. Palapuso – cardiologist; isang dalubhasa ng palapusuan o cardiology
Palabaga – pulmonologist; isang dalubhasa ng palabagaan o pulmonology
Paladiglap – radiologist; isang dalubhasa ng paladiglapan o radiology
Halimbawa:
Nakuha mo na ba ng resulta ng iyong rayos-ekis sa paladiglap?
3. Kagaw – germ; mga miktataghay na nagdudulot ng sakit
Halimbawa:
Karamihan ng patalastas sa telebisyon ngayon tungkol sa alkohol ay nangangako na pupuksa sa siyamnapu’t siyam na pursyento ng mga kagaw.
4. Sihay – cell; ang pinakapayak na kayarian ng mga buhay na organismo
Halimbawa:
Isinali ni Melchor ang kanyang saliksik tungkol sa hatimbutod o mitosis ng mga sihay sa susunod na National Medical Writing Workshop na gaganapin sa Zamboanga.
5. Muntilipay – platelet; mga selula o sihay na may mahalagang papel sa pagpagaling ng mga sugat na dumadaan sa daluyan ng dugo
Halimbawa:
Nalaman nilang may dengue si Maria nang magpositibo siya sa resulta ng Biotek-M Dengue Aqua kit, at nalaman ding bumabagsak na ang bilang ng kanyang muntilipay.
6. Kaphay – plasma; isang bahagi ng dugo na ang pangunahing trabaho ay ang transportasyon ng mga ensyma, nutrisyon, at hormona
Halimbawa:
Itinuturing ng World Health Organization ang kaphay ng dugo na kabilang sa listahan ng mga pinakaimportanteng gamot na kailangan sa isang matagumpay at organisadong sistemang pangkalusugan.
7. Iti, daragis, balaod – tuberculosis; impeksyon sa baga na nagmumula sa isang uri ng ishay o bacteria, ang Myobacterium tuberculosis
Halimbawa:
Ang TB-Fit ay isang programang naglalayong subaybayan ang mga kaso ng iti sa mga komunidad upang makagawa ng sistematikong solusyon sa deteksyon ng naturang sakit.
8. Sukduldiin, altapresyon – hypertension; isang medikal na kondisyon kung saan ang presyon ng dugo sa mga malaking ugat ay labis na mataas
Halimbawa:
Ayon sa pagaaral ng Unibersidad ng Pilipinas-Maynila, may malaking papel ang hene o genes sa pagkakaroon ng karamdaman tulad ng altapresyon, sakit sa puso, at dyslipidemia.
9. Mangansumpong – arthritis; ang pamamaga sa mga kasu-kasuan na nagiging sanhi ng kawalan ng kakayahang maiunat o maibaluktot at paninigas ng bahaging ito
Piyo – Gout; isang uri ng mangansumpong o rayuma na dulot ng abnormal na metabolismo ng uric acid.
Halimbawa:
Ayon sa Philippine Rheumatology Association, noong 2015, mahigit kumulang 1.6 milyong Pilipino ang may piyo na labis na nakakaapekto sa kanilang pangaraw-araw na pamumuhay.
10 .Balinguyngoy – nosebleed; pagdurugo ng ilong
Halimbawa:
Madalas na sinasabi na nakakadulot ng balinguyngoy ang labis na pagsasalita ng Ingles, pero sa katotohanan, ang pagkatuyo ng bamban o membrane sa loob ng ilong ang kadalasang sanhi nito.
Ngayong buwan ng wika, patuloy natin paigtingin ang paggamit at pagtangkilik sa sariling atin. Bagamat ang paggamit ng Ingles sa pananaliksik ay nagdudulot na mas maintindihan tayo ng mga banyaga, ang paggamit ng Filipino ay nakakatulong na maiparating natin ang mensahe at resulta ng ating trabaho sa mga payak na mamamayan. Kaya sa pagpapamuhay ng temang “Filipino: Wika ng Saliksik,” nawa’y patuloy nating ipagtibay ang ating layunin na makamit ang mas mabuti at mas produktibong kalusugan para sa lahat ng Pilipino!
Source: http://www.pchrd.dost.gov.ph/index.php/news/6399-sampung-salitang-medikal-na-may-direktang-salin-sa-filipino